Pangalan: J. Kulisap, JKul, Kuli, Jaks, minsan Jakul po tawag sa akin.
Blog Name/ URL: KAYUMANGGING DAMDAMIN/ http://jkulisap.com
Lokasyon: Metro Manila
GENERAL QUESTIONS:
Tell me something about yourself.
Jkulisap: Isang payak na tao, ilang dekada nang nakiki-amot ng hininga sa mundo. Manggagawa sa pribadong kumpanya sa Lungsod Quezon. Sumasakay ng dyip, bus at MRT. Paborito kong langhapin ang usok ng EDSA. Lagi kong kausap ang sarili ko kaya nang makahanap ako ng paraan para mabawasan ang pakikipag-usap sa sarili, hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa, pinasok ko ang buhay-blog. Pang-siyam sa sampung magkakapatid. Isa akong probinsyano mula sa Katimugang Tagalog at ngayo’y nakiki-agaw sa kapirasong lupa sa Maynila upang sumimsim daw ng magandang bukas, pero natitiyak kong magbabalik ako sa aming bayan sa takdang panahon. Mahal ko si Eugene Domingo kahit siya’y walang-wala, pinapatawa din ako ni Michael V. Minsa’y dumadaloy din ang alak sa aking ugat. Nakikinig ako sa musika ng Juan Dela Cruz Band, Asin, Banyuhay ni Heber Bartolome, Florante, Sampaguita, Lolita Carbon, Coritha, Freddie Aguilar, Noel Cabangon at iba pang mga Pilipinong mang-aawit.
Kelan at paano ka nagsimulang magblog?
Jkulisap: Oktubre 2008 nang inilunsad ko ang kayumanggingdamdamin.i.ph sa tulong ni Salome, isang mabuting kaibigan. Pakatapos naming kumain ng tanghalian sa trabaho ay ugali na namin ang magbasa ng mga kakatawanan, balita o kaya naman ay simpleng pananaliksik lamang tungkol sa mga bagay-bagay hanggang sa mapadpad kami sa isang blogsite na nakalimutan ko na ang address, doon na pumasok ang ideyang magsusulat na ako sa panghihikayat na rin ni Salome. Nag-wordpress din ako sumandali at sa kasalukuyan ay sa jkulisap.com na ako naglalagi.
Bakit mo naisipang pasukin ang mundo ng blogging?
Jkulisap: Nais kong maging malaya ang aking isip. Ang blogesperyo ay sagot para maging imbakan ng mga naiisip ko bunga ng aking obserbasyon sa ating buhay sa pangkalahatan.
Sino ang iyong inspirasyon o hinahangaan sa bloggging? Ipaliwanag.
Jkulisap: Humahanga ako sa mga blogger na mas ginagamit ang wikang Filipino sa kaniyang panulat. Alipin ako ng literatura. Humahanga ako sa blogger na kayang ibilad ang buhay niya at walang pangingiming itago ‘ni dumi niya sa singit, humahanga ako sa matatapang na blogger pero mas kinalulugdan ko ang blogger na simple lamang pero makabuluhan ang layunin at blogger na naliligo sa kababaang-loob.
Kung may hinahangaan kang blogero, mayroon ka ba namang kinaiinisan? Bakit o ano ang dahilan?
Jkulisap: Ang buhay blogging ay hindi nalalayo sa buhay natin sa totoong buhay. Para lamang iyang mga kapitbahay na ayaw mo dahil sa mga ugali at gawing taliwas sa nais mo. Aminin na natin na lahat tayo ay nagkakaiba ng opinyon at paniniwala, doon nag-uugat ang hindi pagkakaunawaan na nagbubunsod sa pagkayamot natin minsan. Hindi ko masyadong pinapaboran ang blogger na alam mo namang may-alam pero nais pang ipaalaala na siya/sila ay dapat na kilalanin dahil siya/sila ay mahusay. Mas mainam ‘yong nilalasap ang magandang dulot ng pakikisalamuha sa blogesperyo kaysa sa maging dahilan pa ng karagdagang alat sa buhay ng kapuwa.
Ano ang pinakamagandang karanasan mo sa daigdig ng blogging?
Jkulisap: Naku, marami nang magaganda at para sa akin laging pinaka. Mababaw lamang ang kaligayahan ko. Kapag napatawa kita sa mga kapraningan ko, masaya na ako, kaya nga nalulungkot ako kapag may nababasa akong mga patutsadahan sa mga blogger o di kaya naman ay nagkakaroon ng mga grupo sa blogesperyo. Masaya akong malaman na may ilang mga bloggers ngayon na nagsasabi na ako ang nakahikayat sa kanila para pasukin din ang blogging. Masaya sa pakiramdam na kinilala din ang aking akda sa isang patimpalak. Nagpapasalamat din ako dahil may natatanggap akong mga regalo mula sa ibang bloggers kaya kapag nakatanggap ako ng bahay at lupa at himukin akong huwag nang magtrabaho at magblog na lamang ako, siguro iyon na ang pinakamainam na mangyayari sa buhay-blog ko . Hahaha. Meron ding nagkukusang magbigay ng mga papremyo sa Kamalayang Malaya kaya patuloy itong umi-ere sa blogesperyo. Labis ko ring ikinatutuwa na sa buhay-blogesperyo na hindi nawawala ang bayanihan. Ang pinakamagandang karanasan dito ay patuloy akong nalilinang ng mga hindi matatawarang karanasan mula sa ibang bloggers.
Ano naman ang hindi magandang karanasan mo dito? Paano mo ito nalampasan?
Jkulisap: Wala pa namang hindi magandang karanasan na sukat ikawala ng bait pero bawat karanasan ay may pagkakatuto, may hindi kaaya-ayang karanasan minsan pero kasama iyon sa buhay-blog. Ang pinakamabisang panangga sa karanasang hindi maganda ay iwasan ding maging dahilan ng karanasang hindi maganda. Sana lamang naman. Posible iyon.
Dumating na ba sa punto na tinamad ka na magblog? ipaliwanag.
Jkulisap: Oo naman, lahat naman yata. Iba-iba ang timpla ng utak ko, minsan harot na harot, minsan naman tagtuyot, ang ginagawa ko diyan, magpapahinga ako, kapag ayos na ulit, balik buhay-blog.
Ano ang nagbago sa buhay mo dulot ng blogging?
Jkulisap: Naging “bilyonaryo” ako. Marami akong hindi alam, at bawat ibinabahagi sa blogesperyo na maaaring magamit ko sa pagharap sa mga pagsubok ay impluwensiya ng iba’t ibang karanasan ng mga tao . Nagamit ko ng malaya ang kagustuhan kong magpahayag ng aking opinyon. Kumbaga sa gulok, tumalas ang aking talim sa punto ng pakikipagtalastasan sa aking kapuwa. Mas naging positibo ang aking pananaw sa buhay at palawakin pa ang aking pagtanggap sa iba’t ibang anggulo ng buhay na mayroon tayo dito.
Ano ang maipapayo mo sa mga kapwa blogero na nagsisimula pa lang sa ganitong larangan ganundin sa mga gustong gumawa ng blog?
Jkulisap: Huwag mong iintindihin kung may magbabasa ng iyong isinusulat, hindi mo mamamalayan, magkakaroon ka din ng tagasubaybay. Lahat ng nagsisimula sa blogging, nag-umpisa iyan sa isang tagasubaybay hanggang sa nadadagdagan bawat sandaling inilalagi niya blogesperyo. Bitbitin mo din ang iyong paninindigan, huwag mong kalimutan ang respeto sa kapuwa mo blogger, kahit na magka-ugat ka na sa pagbablog, epektibo pa rin na panatilihin ang paggalang sa karapatan ng bawat isa. ‘Yong malawak na pang-unawa, instrumento din iyon para mapanatili mong matatag ang buhay blogesperyo mo. Tandaan mo din na prebilihiyo ito subalit alam mo dapat na responsable ka pa rin. Ikaw ang nakakaalam kung mapanira o makakabuti ang iyong layunin.
Ano ang masasabi mo sa Filipino Bloggers? Paano mo sila maikukumpara sa bloggers sa ibang lahi?
Jkulisap: Wala akong binabasang blogger na ibang lahi pero tayong mga Pilipino ay mahilig talagang makipagkapuwa-tao, kaya kitang kita ito sa mga isinusulat natin. May pakialam tayo sa nararamdaman ng bawat isa kaya nagkakaroon ng koneksiyon. Malawak din ang pag-iisip at mga paksa. Kung nais mong matawa, hahanap ka ng blogger na iyon ang kasanayan, kung nais mong magbasa ng makabuluhan at nagpapahayag ng kaalaman, maraming naglipana diyan, ang gusto ko lamang sabihin, malawak at iba ang antas ng mga Pinoy bloggers, depende na rin sa panlasa ng nagbabasa. Tayo bilang blogger ay kabuuan ng positbo at negatibong pananaw sa buhay.
BLOGGERS' QUESTIONS
RunMDRun: How do you deal with people, or in this case bloggers you can't stand? (Yes, kuya, english! May reklamo?hehe)
Depende po sa sitwasyon, ang unang reaksiyon dito ay iwasan pero may mga bloggers na palagay ko nangangailangan lamang ng makakausap at mapagsasabihan ng kanilang mga hinaing sa buhay kaya ganun ang kanilang gawi. Mahalagang maunawaan natin na hindi lahat ng mga taong may nakakamuhing karakter sa blogsphere ay masama. Ilang beses ko nang napatunayan na ang mga ganitong gawi ay maskara lamang upang ikubli ang kahinaan nila sa sarili.
Inzar: Lahat ng mga bloggers mommyrazz tawag sa akin, bakit ikaw hindi mo ako matawag tawag na mommyRazz?
Dahil nais kong maramdaman po natin na tayo ay mga bata pa, meron din akong ka-blog sa wordpress ang ngalan niya ay SuperLolong Pinoy pero ang tawag ko sa kaniya ay Kaberkie.
Empi: Anon'g mga pangyayari na hindi mo makakalimutan? Paano mo ito ihandle?
Sa buhay blog po ba patungkol ang tanong ninyo? Pero ito ibabahagi ko na rin, nasunog ang bahay namin, mahirap masunugan. Wala naman tayong pagpipilian lagi kungdi harapin ang mga pagsubok, sa una maaaring tanggihan, magmukmok o iyakan pero babangon at babangon tayo ‘yon ay kung nais nating makawala sa mga pagsubok. Sa buhay-blog naman, ang pagsasagawa ng patimpalak sa KAMALAYANG MALAYA ay hindi madaling gawain pero dahil ginusto ko at sa tulong at suporta ninyo ay nalalampasan din naman ang taunang patimpalak sa jkulisap.com.
Shyvixen: Kung isa kang kulisap. Ano ka at Bakit? Ipaliwanag sa isang pangungusap lamang?
Niknik. Maliliit po ang mga iyan pero mararamdaman mo ang tusok at nag-iiwan ng marka sa balat.
Roanne: Sa isang tulad mo na mahilig sa sining, ano ang masasabi mo sa kontrobersyal na obra ni Mideo Cruz na Poleitismo?
Ang pagpapahayag po ng damdamin sa anumang paraan ng sining ay itinuturing kong kalayaan. Kalayaang alpasan ang anumang naglalaro’t nagsasayaw sa isip ng isang alagad ng sining. Lagi kong ikinakampanya na ang tao na tumitingin o nagbabasa ang magsasabi kung masama o dapat niyang iwasan ito. Binabati ko si Cruz sa kaniyang katapangan pero nakalimutan niya yatang karamihan ay sagrado Katoliko at Kristyano ang mga Pilipino kung saan niya inilunsad ang malaya niyang sining. Maaaring kalapastanganan itong Poleitismo ni Cruz sa iba kung kaya’t nagdulot ng ingay na palagay ko’y nagpasikat sa kaniya bilang artist. Tayong mga Pilipino pa naman ay madaling maapektuhan ang damdamin kaysa sa isipin muna kung ano ang dapat nating ipabatid tungkol sa pinag-uusapan.
Roanne: kung may nanakawin ka na obra o artwork sa isang museo ano ito at bakit? (samahan ng larawan)
Spoliarium ng nag-iisang Juan Luna, kasalukuyan itong nasa Pambasang Museo ng Pilipinas, kapag nawala ang yamang ito, ikaw ang nagpaigting sa kagutsuhan kong mailagay iyan at magsilbing dingding ng kwarto ko.Hahaha
Roanne: kung bibigyan ka ng pagkakataon iguhit ng hubad ang isang tao for the sake of art, sino ito at bakit?
Si Eugene Domingo po, pero kung hindi po siya available dahil walang wala siya eh ikaw, dahil ikaw ay magandang obra. Sana walang talent fee. Hehehe
Xander: May "Dear Kuli" ka sa blog mo na kung saan nagbibigay ka ng payo sa nagpadala ng sulat.. Curious lang ako, kathang isip lang ba ang mga ito o sa totoong buhay may sumusulat talaga? Natanong lang..kasi papadala ako ng sulat sayo ehh hihingi ako payo..
Hindi po ito kathang isip. May mga nagpapadala ng liham, may bloggers at ilang mga tagasubaybay ng jkulisap.com. Pwede naman po kayong magpadala kung nais ninyo, malugod ko po itong pagtutuunan ng pansin. Heto po ang aking email address, jkulisap@gmail.com
Palakanton: May mga pinaghuhugutan ka ba ng iyong mga laha dahil halos lahat ay ang gaganda.
Salamat po dahil naiibigan mo ang aking ibinabahagi. Meron akong pinaghuhugutan Mula sa pag-uha ng sanggol hanggang sa huling hininga ng tao, ilang libong kuwento ang nakapaloob, ganun ko tinitingnan ang aking mga akda, mula sa payak hanggang sa kumplikadong paksa, malaya at nagpapabatid. Ang kuwento ng ating buhay ang aking inspirasyon. Kung mayroon akong hindi nauunawaan sa aking paksa ay nagsasaliksik ako at nagtatanong.
Anciro: Bukod sa pagbablogging ano ang pinagkakaabalahan mo?
Nagbabasa din ako ng libro minsan, kapag may oras ay nanunood ako ng dokumentaryo sa telebisyon, nakakahiligan kong makipagkwentuhan sa ibang tao, yong hindi ko kakilala. Marami silang naikukuwento tungkol sa buhay-buhay. Subukan mo minsan kung hindi mo gawi. Kahit nga mga taong may karamdaman sa pag-iisip ay gustong-gusto akong kakuwentuhan. Alam na kung bakit. Pero kapag nasa bakasyon ako ay nilalasap ko ang buhay probinsya, tumamabay sa treehouse, maligo sa ilog at mangisda, sa madaling sabi, nagbubuhay bukid ako.
Anciro: Ano ba c Jkul Kulisap sa family at sa mga kaibigan?
Maraming pong tila takot/ nangingilag sa akin pero bumabalik pa rin naman sila, kinakamusta pa rin nila ako. Tahimik ako kadalasan pero kapag nakagaanan ko na ng loob eh, lahat yata ng kuwento ng buhay ay naikukuwento sa akin. Ayaw kong sabihin na isa akong ehemplo ng kagandahang asal dahil hindi naman totoo pero isa ako sa nagnanais ng payapang pakikisalamuha sa kapuwa ko, maging kapamilya ko man o hindi. Mas kaibigan ako sa mga nakababata sa akin, tagasunod ako at nagmamahal sa aking mga magulang at kapatid sa paraang magaan sa aking pakiramdam. Parang artistahin ang sagot ko ah. Lol
Anciro: Ano ang mga katangian mo kung bakit nagustuhan ka ng mga readers?
Hindi po lahat ng bloggers at reader ay gusto ang isinusulat ko. Isa siguro sa katangian ko pagdating sa buhay blogging ay hayaang maging malaya ang isang blogger na magpahayag ng nais niyang iparating. Hindi ko rin tinitingnan ang pagbablog bilang lugar kung saan itinuturing ng iba na ito ay kompetisyon. Ang isyu kung sino ang sikat o sino ang magaling ay hindi ko masyadong pinagtutuunan ng pansin, mas mahalaga sa akin na matuto at magbahagi ng aking opinyon sa mga nangangailangan nito. Yon lamang naman ang layunin ko, ang makibahagi sa buhay blogesperyo na sa mga darating na araw ay hindi na bahagi ng buhay ko bilang indibidwal ngunit isa na lamang alaala.
Anciro: Kung ikaw ay magiginng isang widget sa blog/website ano ka at bakit?
Kung maikukunsiderang pong widget ang Chatroll, iyon na lamang dahil doon para lamang tambayan ng iba’t ibang bloggers. Ramdam na ramdam ko ‘yong kasiyahan don. Pampawi ng pagod ang chatroll sa site ko.
Moks: Ano ang matinding dahilan bakit walang mukha si JKUL?
Wala naman pong matinding dahilan. Naniniwala ako na mas maipapalabas ko ang nais kong ipahayag kung babasahin ang aking akda kahit na hindi ako kilala at hindi naman mahalaga para sa akin kung ano ang anyo ng isang blogger. Mas mahalaga sa akin ay kung paano ako matututo sa kaniyang isinusulat. Si J. Kulisap ay karakter na kinatawan ng pangkaraniwang tao sa mundo natin, marahil ganun din ako sa totoong buhay, pangkaraniwan.
Moks: Kung ikaw ang papipilin, ano gusto mo, kalbo na may bangs o long hair pero panot ang bunbunan?
Long hair po pero panot ang bumbunan dahil palagay ko iyan ang magiging kapalaran ng buhok ko.
Cuteberl: kung ikaw nalang ang tao sa mundo at papapiliin ka ng blogger na makakasama niya sa mundo. Sino ang pipiliin mo?
Sabi mo ako na lamang ang tao sa mundo, eh ano ‘yong blogger, halimaw? Hahahaha. Kainaman ka. Pwedeng magrekwes?Dalawa man lamang kasi baka mamamatay ang isa, naninigurado lamang.
Jay: Kung bibigyan ka ng 5milyon para talikuran ang wikang filipino.magpapasilaw ka ba??Kung hindi bakit?bawal magpakaipokrito.
Wala akong limang milyon, kaya malamang tatanggapin ko ang salapi subalit pwedeng ibuka ng aking bibig na “oo, tatalikuran ko ang wikang Filipino” pero palagay ko hindi nag-iisip ang manggaganyak na iyon dahil dapat tanggalin muna nila ang aking utak o ang dugong dumadaloy sa akin dahil pilipino ako nang ako ay isinilang, lalo na’t ilang dekada na akong nabuhay dito sa Pilipinas kaya kahit na ilipat pa ako ng lugar, mananalaytay pa rin ang wikang taal, hindi lamang sa salita kungdi sa aking mga gawi at isip.
Jay: Paano kung isang araw,bumangon sa kanyang libingan si Manuel L.Quezon at nahuli ka niya sa aktong umi-slang slang sa pagsasalita na alam mong labag sa wikang iniwan niya...paano mo sya papaliwanagan?
Huwag naman po sanang bumangon si Manuel L. Quezon dahil lamang sa pagsasalita ko ng pa-slang. Karimarimarim at nakakapanghilakbot iyon. Nagbabago ang moda ng pagsasalita maging salitang wikang Filipino kung kaya’t nauuso ang mga salitang hiram na mas palasak sa ating kasalukuyan. Kung marahil nabubuhay siya hanggang sa kasalukuyan ay mauunawaan din niya ito dahil ang totoong kahalagahan ng wika ay kung paano naipaparating at nauunawaan ito. Nagkakataon lamang na mas dalisay para sa ilan ‘yong wikang ipinaglaban ni Quezon.
Jay: Bilang isang mamayang pilipino,pabor ka ba na gawin ang wikang ingles bilang tulay ng pakikipagtalastasan sa lahat ng uri ng tao,kahit andito sila nakaapak sa sarili mong bayan?ipaliwanag mo nga...
Isa na po siguro sa kalakasan ng mga Pilipino ay ang kahusayan nating matuto ng iba’t ibang wika. Tanyag tayo sa kagalingang ito, pero dahil Pilipino ka, hindi naman siguro makatarungang ibang wika ang gagamitin natin at iwawaglit na maging sa loob ng tahanan ang wikang alam natin. Hindi masamang gumamit ng wikang ingles kung kailangan, kung sakaling magawi ang isang banyaga sa atin, at maalam tayo sa wika nila mas mabilis ang pagkakaunawaan pero responsibilidad ng isang banyaga na pag-aralan ang wika ng isang bansa bago siya pumalaot doon. Sana medyo malinaw itong paliwanag ko sayo.
Jhiegz: Does "blogger" have a negative connotation for you?
Palagay ko meron po dahil alam ko sa sarili ko na hindi naman ako nabubuhay na laging positibo ang nakahain kung kaya’t anumang lumabas sa aking mga salita ay maaaring makaapekto sa isang blogger/nagbabasa. Nagkakamali ako o maaaring nagiging labis kung minsan pero wala pa namang direktang nagsasabi na namumuhi sila sa akin. Kukunin ko na rin ang espasyong ito na maiparating ang aking paumanhin kung isa ka sa nadaplisan ng negatibong impresyong ito.
Jhiegz: Are you a role model in the blogging realm? Why or why not?
Maaring hindi po ako huwaran subalit sa ilan ay nagsilbi na akong inspirasyon. May ilang nagpapahayag ng paghanga sa aking mga isinusulat. May posibilidad din na nagkakamali ako sa aking sinasabi o isinusulat pero ang mahalaga, bukas ang isip kong tatanggapin kung sakali man. May mga kampanya akong inilulunsad sa aking site at umaasa akong kahit papaano ay may mga pusong nahahaplos sa pamamagitan ng mga isinusulat ko partikular na sa usaping pampamilya na pinaniniwalaan kong mahalaga ang ginagampanan ng pamilya sa ating lipunan.
Jhiegz: How far are you willing to push yourself to this blogging world?
Palagay ko po ay nagwagi na ako sa aking layunin na gamitin hangga’t maaari ang wikang Filipino sa aking mga panulat, kahit na para sa iba ito ay baduy, para na ring sinabi nilang baduy ang pagiging Pilipino natin. Hindi ko alam kung hanggang kailan at saan ako dadalhin ng buhay-blog ko pero hanggang ngayon masaya akong nakikibahagi sa birtwal na mundo. Hindi man ako kumikita sa blogging pero masasabi kong maganda itong gawain para maiangat ang ating pagkakaunawa sa iba’t ibang aspeto ng buhay.
Mads: Kung may paksa kang gustong talakayin sa ibang lenggwahe, anu yun at bakit?
Paksa pa rin po tungkol sa ating mga Pilipino. Mayaman ang ating kultura at tradisyon, gayon na rin na hindi tayo napaghuhuli sa lakas ng talino at kahusayang pangdaigdig.
Pong: Yung sa tatlong edisyon ng KM ano yung mga learnings na natutunan mo?
Natutunan ko pong palawakin pa ang pagiging matiyaga ko, hindi biro ang gumawa ng ganitong patimpalak lalo na’t mahuhusay ang mga lumalahok. Natutunan kong ayusin ang mga panuntunan sa patimpalak. Ang KM ang isa sa dahilan kung bakit patuloy na umi-ere ang jkulisap.com kaya naman salamat sa suporta ninyo, ito rin po ang palagay ko ang dahilan kung bakit patuloy na may ugnayan ang mga bloggers sa blogroll ko. Maidagdag na rin na sinisiguro kong may natutunan ang mga sumasali sa KM dahil hindi lamang sila kalahok kungdi nagsisilbi ding hurado ng kapuwa kalahok.
Pong: Ano yung sitwasyon/pangyayari na posibleng maging dahilan para magsara ang jkulisap.com?
Kapag hindi ako nakabayad ng domain fee, posible iyon. Maaaring tumigil na ang ikot ng jkulisap.com pero hindi ito magsasara, iiwanan ko lamang sa mundo ng triple W.
Jkulisap's Message:
Maraming salamat po sa mga nagtanong at magbabasa nito, ganun din sayo Boss Bino dahil itinampok mo ako dito sa iyong programa. Magsaya at gawing makabuluhan po natin ang buhay-blog.
Isang malaking karangalan ang maitampok ka dito sa Damuhan. Maraming salamat na ang isang tagahanga mo ay iyong pinagbigyan sa kaniyang kahilingan.
Next week on Blogger's Hot Seat: Xander of AboyNamedXander.Com
Send your questions via Facebook, Twitter or Google+


proud ako na nakita ko na to ng personal! ^^ hihi!!
ReplyDeletebrod, pinaka gusto ko tong sinabi mo
"respeto sa kapuwa mo blogger"
mabuhay ka at ang kamalayang malaya!!!
@bon nakadaupang palad ko na rin siya hahaha. di nga lang inaasahan dahil sa bookstore sa alabang kami aksidenteng nagkita. di ko siya nakausap nung awarding sa PEBA dahil sa medyo busy nun hehehe
ReplyDeleteIba talagang sumagot tong si Jkul!!! Clap clap! Isa kang icon sa mundo ng blog.
ReplyDeleteSalamat sa sagot mo sa mga tanong ko. Sana balang araw ay makaharap kita at sabitan ng sampagita. Lol
wow.. ang galing ng pagkasagot ni Jkulisap.. astig..
ReplyDeletekinakabahan na ako sana di na matapos ang linggoong ito..waahhhh
napakalalim ng tanong ni kuya moks. pati ako napaisip ng isasagot ko eh.
ReplyDeleteWow. Mas lalo akong napahanga... mas lalo akong naintimidate. :P Sana balang-araw ay makadaupang-palad ko rin kayo.
ReplyDeletedi man kita kilala, pero masasabi kong astig ka at idolo na kita ser!
ReplyDeleteLumabas kung gaano talaga siya magmahal sa wika,sa bayan,at sa mga blogger..
ReplyDeleteclap clap clap!!!
iba ka talaga...
Sana pahabain mo pakulot mong buhok,,lels
simple ngunit malaman ang bawat salitang tinuran ng panauhing pandangal ng Damuhan.
ReplyDeletesaludo ako kay JKulisap!
Umagang Kay Ganda Jkul, napahanga ako, very cool na sagot, ang galing mo.. sana balang araw masilayan ko ang mukha mo kahit sa larawan lang man.. hehe!
ReplyDeleteclap! clap! clap!...
nosebleed akon sa tagalog nyong dalawa.hehehe.natuwa ako sa pic nya--anonymous talaga at kulisap ang pic na me drawing pa ng sun sa dibdib yung langgam.at naka-bahag pa pala.hahaha
ReplyDeleteAw. Sorry naman kung nahalungkat pa ang pangyayaring iyon sa iyo. :)
ReplyDeleteAliw ako sa tanong ni sir moks hahaha. At naaliw rin ako sa iyong kasagutan.
ReplyDeleteHenyo kang tunay Jkulisap.
Ay akalain mong kaya mong ipagpalit si Eugene Domingo kay Roanne. Isang magandang obra.
I waz expecting that you will be so conyow here. Where'z Prolly? hahaha
Kainaman ka pards, mabuhay ka.-joeyvelunta
hinahangan ko si kuya lolo j~~
ReplyDeletesiya ay isang henyo at nakakalunod ang mga poste nya sa sobrang lalim ng tagalog hehe....
galing din ako ng i.ph hehe,,,galing galing,,,,
i miss u kuya lolo~~
Bino congrats, ganda ng ginagawa mo , at congrats din kay Jkulisap, sobrang galing sumagot. Perpek talaga ang mga sagot.
ReplyDeleteisa ka tlga sa mga alamat j.kulisap at ang mga tanung ng mga kapwa blogger ay ang lulupit din... Niknik.gusto ko ang sagot n2 kung ikaw ay isang kulisap, samin d2 sa batangas ay surot nman ang tawag sa niknik...
ReplyDeletekahang hanga ang blogger na ito.GALING!
ReplyDeleteang haba pero panalo ang mga sagot! natawa ako sa sagot mo kay jay nasa isip ko palang na parang showbiz kung makasagot ka tapos yun din pala ang sasabihin mo! hahahah!
ReplyDeleteano po pala ang niknik?! hahahah isang uri ba ito ng surot?! hahaha
Ang galeng galeng ng mga sagot mo kulisap. Ikaw na ang "best in Q&A portion" :)))
ReplyDeleteKongrats!
naaliw ako sa binitawang tanong ni moks tungkol sa kalbong may bangs o longhair na panot sa bumbunan. lols.
ReplyDeletekudos kay sir jkul :D
ang lalim ng iba pero naman.... magaling...
ReplyDeleteAng lupet ng tanong ni Moks!! ahahaha..
ReplyDeleteMagaling ka sa paggamit ng ating wika JKulisap. Ang alam ko'y minsan ka na ring napadalaw sa aking blog. Ipinagmamalaki ko po na may blog din ako sa tagalog. Kasi masaya eh.
Kay kuya BIno, mabuhay ka pa rin. Super aliw factor pa rin sa akin ang magbasa ng iyong blog. ;)
isa sa pinakagwapong blogero yan si jkul. hehehe. malaki rin ang pasasalamat ko sa kanya kasi tinruan nya ko ng mga tips and tricks sa blogging. hehe
ReplyDeletehello munting kulisap! ^^ now kilala na kita ^^ hehehe
ReplyDeleteClap clap clap. Yun lang. Ang galing. Hahaha. Ngayon ko pa lang naeenjoy ang blog ni sir jkul. Nakakatuwang magbasa dun at halata ang kahusayan niya sa pagsusulat at paggamit ng sarili nating wika.
ReplyDeleteActually, once na ako nagpunta noon noon pa sa blog niya pero naintimidate din ako para kay Kuya Bino kaya di ako nagparamdam muna. hahaha. Ngayon, pampam na ako. Kainaman.
finally, j kulisap on the hot seat.
ReplyDeletebat walang nagtanong tungkol sa lovelife ni jkul? pakahulugan kaya ito na alam ng lahat na taong bato si jkul at walang pag-ibig?hahaha!
basta para sa akin, si jkul ang tulay at major crossroad ng filipino blogging community. kumbaga, best of both worlds ng WP at Blogspot ang animal.
Mabuhay ka Jkul. Mabuhay ka hanggang sa wakas ng panahon!
inaabangan ko 'yung paglalantad ng karakas, wala pala. boo! :p
ReplyDeletemabuhay ka, ser jakul! mabuhay ang dalisay at pa-beergin na istilo ng pagba-blog! \m/
@ Kuya J... salamat sa pagsagot sa aking katanungan.. wala ka pa rin kupas.. ikaw na!.. aitz!!!... ung niknik ba.. mas maliit pa b iyon sa surot... curious lang ako.. aitz!
ReplyDeletekuya bino....galing galing pa rin ng iyong site.. da best!.... :D
first time po akong nagala dito sa iyong bahay sapot ser bino at nagagalak(lalim) ako sa interview mo kay ser Jkulisap...hong goleng goleng!! hehehe
ReplyDeletemedyo dumugo po ang aking ilong sa panayam(lalim uli) nyo..clap, clap!!
kahanga hanga.... kakainspire!! Mabuhay po tayong mga Pilipino!!
ReplyDeletenapakadami talagang henyo sa blogosperyo...
ReplyDelete