September 5, 2011

Si Benjie, Renan at Utoy

Paunawa: Ito ay orihinal na likha ng may akda. Anumang pagkakahawig ay di sinasadya

Si Benjie ay isang bata'ng lumaki sa karangyaan. Walang bagay na hindi naibigay ng kanyang magulang. Mula sa masasarap na pagkain hanggang sa magagarang damit at gamit sa eskwela. Palibhasa'y pareho'ng kumikita ng malaki ang nanay at tatay niya kaya naman spoiled na spoiled siya sa mga ito.

At dahil nga bata, normal sa kanyang edad ang mahumaling sa mga laruan. Lahat halos ng mga uso'ng laruan ngayon ay mayroon siya. Kahit pa ubod ng mahal ng mga ito. Hinding hindi siya titigil hangga't di siya naibibili ng kanyang nanay ng laruang kanyang magustuhan.

Bagamat may mabuting asal pa rin naman siya, isang kapintasan ay ang pagiging madamot nito. Walang sinuman ang nakakahawak o nakakagamit ng kanyang mga laruan kahit pa ang bunso niyang kapatid na si Renan.




"Kuya palaro naman ako ng PSP mo." hingi ng pahintulot ni Renan ng minsan siyang nakita nito na naglalaro ng gadget na nabanggit.

"Low-bat na eh. Next time na lang." sagot niya.

"Di pa naman low-bat eh. Sige na kuya." samo ni Renan.

"Ayoko nga! Ang kulit mo. Baka masira mo pa to. Hindi mo to alam laruin!" singhal niya sa kapatid.

"Sige, eto na lang kotse-kotsehan mo. Di mo naman ginagamit eh."

"Di nga pwede! Bago pa yan! Isang beses ko pa nga lang yan nalalaruan eh. Baka masira mo! Umalis ka na nga dito!"

Malungkot na umalis si Renan at pumasok sa kanyang silid. Nadatnan na lamang ito ng kanyang mga magulang na umiiyak. Sinabi nito'ng ayaw siyang pahiramin ng kanyang Kuya Benjie ng laruan.

"Benjie anak. Halika sandali" tawag ng kanyang ama.

"Bakit po daddy?"

"Hindi ba sinabi namin sa yo ng mommy mo na huwag mo'ng pagdamutan ang kapatid mo? Bakit di mo siya pinahiram?" malumanay na sambit ng kanyang ama.

"Eh nilalaro ko pa po kasi yung PSP. At saka baka masira niya to." katwiran niya.

"Anak, masama ang maramot. Dapat matuto ka'ng magbigay. Kahit man lang yung kotse-kotsehan mo di mo pinahiram" paliwanag ng kanyang nanay.

"Eh ba't kasi puro na lang si Renan ang kinakampihan niyo?" ang nagtatampo niyang sabi.

"Hindi namin siya kinakampihan anak. Itinutuwid lang namin ang pagkakamali mo." sabi ng kanyang ama.

"Ako na lang lagi'ng mali. Lagi na lang ganun! Sana pala, di na lang ako nagkaroon ng kapatid para walang nangingialam ng mga laruan ko!" sigaw niya sabay takbo papasok ng kanyang kwarto. Naglock siya ng pintuan. Hindi niya pinansin ang pagkatok ng kanyang mga magulang. Nahiga siya sa kanyang kama at nagtalukbong ng kumot.

Ako lang ang maglalaro ng mga toys ko. Bawal manghiram. Ako lang! ang sabi niya sa kanyang sarili.




“Goooood Morrrrnniinnng Benjie!!! Gising na! Maglalaro ka pa!” ang sabi ng isang boses kay Benjie.

Pagmulat niya ng mata’y isang payaso ang bumulaga sa kanyang harapan.

“Mommyyyy!!!” ang sigaw niya dahil sa pagkabigla.

“Huwag ka’ng matakot. Hindi kita sasaktan. Ako si Utoy! Dinalhan kita ng maraming-maraming laruan!” sagot ng payaso.

“Te-teka, nasaan ba ako? Paano ka nakapasok dito? San sila mommy? Si daddy? Si Renan?” sunud-sunod na tanong niya.

“Nandito ka sa Laruanlandiya! Ang lugar na kung saan, wala ka’ng ibang gagawin kung hindi maglaro! Hindi ba’t gusto mo iyon?”

“Talaga? Wow!! Ibig sabihin, walang mangingiaalam? Wala ri’ng manghihiram ng mga toys?”

“Tomoh!!! Kaya bangon ka na diyan at simulan mo ng maglaro!” anyaya pa ng Payaso.


Agad siyang bumangon mula sa kama at lumabas ng kwarto. Tila nasa iba'ng dimensyon siya. Tumambad sa kanyang harapan ang isang lugar na pagkarami-raming laruan. Remote control cars, bisikleta, swing, toy guns, mga tau-tauhan, at maging ang mga high tech na gadgets gaya ng PSP, PS3, Xbox at WII. Kapansin-pansin din na may ibang mga bata na naglalaro din.

"May iba din'g mga bata?" ang kanyang tanong.

"Huwag ka'ng mag-alala, hindi ka nila pakikialaman. Dito sa Laruanlandiya, kanya-kanyang laruan. Walang hiraman. Ikaw lang ang maglalaro!" sagot ni Utoy.

"Wow Ayos!!!" sagot niya.

"O sige iwan na kita ha. Laro ka na!" at biglang nawalang parang bula ang payaso.


Tinakbo ni Benjie ang lugar kung saan nandoon ang PS3. Naglaro siya ng Tekken, God of War, Fight Night at iba pa. Nang magsawa'y Pinuntahan niya ang mga tau-tauhan. Pinagbukud -bukod niya ang mga ito ayon sa mga kulay. Matapos nito'y naglaro na siya ng gera-gerahan. Hindi pa siya nakuntento at dinampot naman niya ang laruang eroplano at kapagdaka'y pinalipad ito sa ere.

Ganunpaman, nakaramdam siya ng pagkabagot. Nilapitan niya ang isang bata at niyayang maglaro.

"Ayoko. Gusto ko ako lang maglalaro." sagot sa kanya ng isa.

"Wag mo ko'ng pakialaman, ayoko ng may kalaro." sabi naman ng isa.

Halos lahat ng mga batang kanyang nilapitan ay ganun ang sinasabi sa kanya. Sa paglibot niya sa Laruanlandiya'y may nakita siyang isang magandang laruan na nilalaro ng isang bata. Bagong labas pa lang ang toy na yon at di pa siya naibibili ng kanyang magulang.

Agad siyang lumapit sa bata.

"Bata, pahiram naman ako." sabi niya

"Low-bat na eh. Next time na lang" sagot ng bata. Ang mga salitang nabanggit nito ay ang mismo'ng salitang sinabi niya sa kanyang kapatid na si Renan.

"Sige na, pahiram please?" samo niya.

"Ayoko nga! Ang kulit mo. Baka masira mo pa to. Hindi mo to alam laruin!" galit na sabi ng bata sa kanya sabay tayo at lumipat ng pwesto.

Naramdaman niya ang bawat salitang binitiwan ng paslit. Kung paano ang kanyang pagkakasabi ng mga yon kay Renan ay ganun din ang pagkakabigkas ng bata sa kanya.

Bumalik siya patungo ng kanyang kwarto. Akmang bubuksan na niya yon ng biglang may magsalita.

"Sawa ka na ba'ng maglaro Benjie?" si Utoy.

"Nakakalungkot pala ng walang kalaro. Nakakaiyak din nung pinagdamutan ako." ang sabi ni Benjie na may namumuo'ng luha sa kanyang mga mata.

"Alam mo na siguro ang pakiramdam ng kapatid mo nung gawin mo ito sa kanya." ang sabi ng payaso.

"Oo. Nasaktan ko pala siya. At ayoko ng ulitin yun. Sana mapatawad ako ni Renan."

"Gusto mo na ba'ng umuwi?" tanong ni Utoy.

"Oo. gustung gusto ko na. Gusto ko ng makita ang kapatid ko. Pati sina mommy at daddy."

"Ok kung yan ang gusto mo. Pero lagi mo'ng tatandaan na masama ang maging madamot at makasarili. Ipangako mo na hindi mo na uulitin ang ginawa mo'ng pagkakamali."

"Promise. Salamat Utoy!"

"Walang anuman. Sige pumasok ka na sa kwarto mo at babalik ka na sa mundo ninyo."

Isang nakakasilaw na liwanag ang pansamantalang bumulag sa mga mata ni Benjie nang buksan niya ang pinto. Nang bumalik ang kanyang paningin. nasa sariling higaan na siya. Normal na ulit ang paligid. Agad siyang lumabas ng kanyang kwarto at pinuntahan ang kapatid.

"Renan. Sorry sa mga nasabi at pagiging madamot ko. Di ko na uulitin. Pramis." hingi niya ng paumanhin sa bunso niyang kapatid.

"Di ka na galit sa kin kuya? Pwede na tayo'ng maglaro?"

"Oo. Pwedeng pwede na." sabay yakap sa kapatid.

Masaya silang pumunta sa sala at naglaro. Ang kaibahan nga lang, Pinapagamit na ni Benjie kay Renan ang kanyang mga laruan. Tinuturuan na niya rin ito kung paano laruin ang mga high tech niya'ng toys.

Mula noo'y hindi na naging madamot si Benjie na ikinatuwa naman ng kanyang mga magulang.

Wakas.


Entry para sa kategoryang Kwentong Pambata ng Ikatlong Saranggola Blog Awards


24 ang nakaappreciate:

  1. ayos. hehe saranggola entry.. hehehe Bino peram ng kamera. hahaha bawal ang madamot, baka mapunta sa laruandiya^^ hahahha...


    galing parekoy... ^^

    ReplyDelete
  2. Waaaahh!! Naunahan ako ni Lhan!! Lols..

    Ang ganda ng kwento.

    Masama nga maging madamot. Kung pwede mo lang din naman ishare ang kung anong nasa saiyo, hwag nang ipagdamot.. share the blessings, share the love.

    Akala ko nung dinala na ni Utoy si Benjie sa Laruanlandiya, akala ko hindi na sya palalabasin.. hehe.. yung iiyak lang siya nang todo, magwawala pero ipagdadamot din ni Utoy ang kanyang pag-alis. LOLS.. Parang nababangungot lang sya. Iba pala.. Hehe. Gusto lang talga ni Utoy na maturuan ng leksyon ni Benjie.

    Kaya mga kids.. share your toys ha. BAD maging madamot. :P

    Superb story-telling. Nice post. You should write more often.

    ReplyDelete
  3. Ang ganda po ng istorya ser Bino. Tunay na kapupulutan ng kagandahang-asal. Pang-SBA talaga!
    Pwedeng ituro ito sa mga sunday school sa church.
    There is learning in sharing!

    Mabuhay po!

    ReplyDelete
  4. Haha, aliw to!
    Hanestly i'm fond of reading short stoties. Malinaw ang kwento, diretso.
    Me aral at me enterteynmeny balyu pa!

    ReplyDelete
  5. ako madamot ako, kuripot..pero may natutununan ako dito pre...

    Gusto ko tuloy sumali.

    ReplyDelete
  6. galing ni kuya bino.... di na ako magiging madamot sa laruan.. hahahahahahha

    ReplyDelete
  7. good luck sir bino...


    ayus to ang pang wansapanataym.. ^_^

    ReplyDelete
  8. ang ganda ng pagkalatag ng kwento.
    Magugustuhan ito ng mga bata, kapupulutan ng aral ng mga medyo hindi na bata at mga isip bata.

    Sana mabasa ito ng mga pulitiko hahaha.

    Good luck sir bino.

    ReplyDelete
  9. Ayaw ko ng sumali sa SBA kasi ang ganda ng poste mo... joke lng.. hindi talaga maganda ang maging madamot kasi nakakasira ito ng relasyon ng bawat tao mapapamilya yan, kaibigan o karelasyon... A great post bino...

    ReplyDelete
  10. gandang kwento naman ito loydi.. punong puno ng aral... magaling!! :)))

    ReplyDelete
  11. Panalo ito! Dapat ikwento ito sa mga batang maramot sa kapatid.


    Good luck, Bino!

    ReplyDelete
  12. pati si Utoy marunong na rin sa salitang "tomoh" hahahaa natawa ako dun.. pero kapupulutan ng aral..goodluck and congrats..

    ReplyDelete
  13. wow. ganda. same kay leah, akala ko di na makakabalik yung bata kasi amadamot.

    di siguro me pede sa kids story kasi ang naisip kong twist sa kwento mo magiging parang saw, horror gore :D ahahahaha

    ReplyDelete
  14. ayoko makita si utoy.. takot ako sa payaso eh... lalo na yung tipong dinadala ka sa ibang dimension... wahehe

    ReplyDelete
  15. Parang napanood ko ung ganitong scene sa WANSAPANATAYM dati.

    galing mo bino!

    ReplyDelete
  16. Nakuuuuuu!!! Nakakainis ka, takot ako sa mga clowns. Nagpalpitate tuloy ako nung may bumulagang clown sa kanya.
    .
    .
    Pero mabuti na lang hindi evil yung clown at pinabalik pa rin siya. Maganda 'tong samahan ng illustrations ;D
    .
    .
    Nice job!

    ReplyDelete
  17. galing nman parang interesado rin ako dito....
    gudluck sir

    ReplyDelete
  18. galing talaga chong... God bless ha...

    ReplyDelete
  19. Nakakatuwa,kuhang kuha talaga ag aral ng kwento...

    Goodluck sa sba entry mo bino.

    :)

    ReplyDelete
  20. Bagay itong ipabasa sa mga batang madamot, maganda na matutunan nila ang mga tama at mail habag bata pa lamang.

    Natuwa ako kay utoy (tomoh!) haha!

    ReplyDelete
  21. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete
  22. akala ko monster yung clown! hehehe! astig!!!

    ReplyDelete
  23. takot ako sa payaso kaya ayokong mapunta sa laruandiya. ^^ kuya bino, congrats at God bless sa SBA. :)

    ReplyDelete

Sisikapin ko'ng replyan ang mga komento ninyo.
Kung may sasabihin ka'ng di maganda, huwag ka'ng mag-ANONYMOUS