February 27, 2012

Si Agnes at ang Lola sa Jeepney

Alas diyes singko.
“Alis na ‘ko,” wika ko habang nilalakasan ang volume ng headset sa tenga ko. Ilang minuto ng paglalakad at narating ko din ang sakayan ng jeep. May dalawang jeep na ang dumaan, pero parehong puno. Tinignan ko ang oras, medyo maaga pa naman, aabot ako nyan. May paparating ulit na jeep, sa wakas walang sakay.

Dalawang kanto mula sa pinagsakyan ko, huminto ang jeep. Isang matandang babae, naka-bulaklaking daster at pudpod na tsinelas ang pumara. Nahirapang sumakay ang matanda dahil sa may kataasan ang hakbangan ng jeep, o marahil na din sa katandaan nito. Inabot ko ang kanang kamay ko upang kapitan niya, samantalang ang kaliwang kamay ko naman ang umalalay sa likod nito. Isang matamis na ngiti ang isinukli  sa akin ng matanda sa munting tulong na aking ipinakita, sabay inalok ako ng mangilan-ngilan na sampagitang hawak niya. 

Isang kurot sa aking puso ang agad kong naramdaman. Sa aking batang edad kung ikukumpara sa kanya na nakakaramdam ng matinding pagod sa pagtatrabaho, ano pa kaya sa tulad niyang dapat ay namamahinga na lang sa loob ng bahay. Ngunit hindi ito ang kalagayan, mag-isa siya sa lalim ng gabi at kumakayod pa din.


Mabalik sa aking kwento, dahil hindi ko naman kailangan ng sampagita nakangiti na lang akong umiling sa kanya. Tinignan ko ang laman ng aking pitaka: dalawang bente pesos at kinse pesos na barya. Inabot ko sa matanda ang isa kong bente, sapat pa naman na pamasahe ang natira. “Salamat, pagpalain ka iha,” sambit ng matanda sabay ngiti sa akin. 

Dalawang kurap, ganon kabilis ang mga pangyayari. Ang matandang kanina’y nakangiti sa akin ay bumagsak na lang bigla sa aking harapan habang nanginginig ang mga kamay. Sa aking pagkabigla, may ilang segundo akong hindi nakagalaw at nakatingin lang sa katawang nakahandusay sa loob ng umaandar na jeep. “Manong, ‘yung lola, ‘yung lola!” ‘yan ang mga salitang natatandaan kong aking sinambit habang ihiniga ko ang ulo ng matanda sa aking mga hita at pinipisi-pisil ang mga kamay nito. Mabilis naming narating ang ospital, binuhat agad ng mamang drayber ang matanda papasok ng emergency room. 

Alas diyes kinse.
Habang naka-upo’t nag-aantay ng balita sa lagay ng matanda, “Excuse me po, ano po pangalan ng pasyente?” tanong ng nurse na hindi ko namalayang nasa aking harapan na pala. Hindi ko alam, nakasabay ko lang siya sa jeep. “Kaano-ano ho kayo ng pasyente?” sunod na tanong ng nurse. Wala, hindi ko siya kaano-ano. Kapwa kami estranghero sa isa’t isa. Mukhang dismayado ang nurse dahil wala siyang nakuhang ano mang impormasyon na isusulat sa papel na hawak niya. Maya-maya pa ay inabot sa akin ng nurse ang mga dala-dalahin ng matanda, isang plastic bag at ang mga sampagita.

Alas diyes kwarenta.
Wala pa ding malay ang matanda, ang sabi ng doctor na-stroke daw ito. Hindi na ako aabot sa oras ng pasok ko, hindi ko naman maiwanan ang matanda. Naisip ko na lang bigla, na ayaw ko mangyari sa akin ang ganon at basta na lang iwanan ng kung sino. Naalala ko ang dala nitong plastic, nagbakasakali akong may makukuhang kahit anong impormasyon sa pagkakakilanlan ng matanda. Isang mercury drugstore na coin purse, panyo ng El Shaddai, bawas na Skyflakes at bote ng tubig; marahil ito ang pantawid-gutom ng matanda. May nakuha akong numerong nakasulat sa palara ng sigarilyo sa loob ng pitaka. NENENG – 0928XXXXXXX

Malas, wala akong load. Buti na lang at hindi din umalis ang drayber ng jeep na aming sinakyan, tinawagan niya ang numero na aking nakuha. Sa apo pala ng matanda ang numerong ‘yon. Pagkatapos tumawag ng drayber, nagpaalam ito na uuwi muna at ibabalik ang jeep na minamaneho, tapos na daw kasi ang oras ng pasada niya. Takot at balisa, naupo ako sa gilid ng kama ng matanda.

Alas onse bente.
“Lola, lola!” iyak mula sa aking likuran ang bumasag sa pagkakatitig ko sa aparatong nakakabit sa matanda. May dumating na din na kamag-anak ang matanda, pero nasaan ang iba? Mas matanda ako sa babaeng dumating, pero hindi naman pwedeng mag-isa lang siyang pinadala upang asikasuhin ‘yung matanda.

Sila na lang pala ang magkasama sa bahay, iniwan siya ng kanyang nanay sa lola niya noong limang taong gulang pa lang at hindi na binalikan pa, simula noon ay ito na ang tumayong nanay niya. Sa aking pag-uusisa, nalaman kong nagkatampuhan pa pala sila ng matanda bago ito umalis ng bahay upang magtinda ng sampagita. Nasigawan daw niya ito nang sabihan siya nitong samahan siya sa pagtitinda dahil hindi maganda ang pakiramdam nito. At dahil nag-dadalaga na, nahihiya siyang makita ng mga kakilala niya na nagtitinda ng sampagita.

May tumunog na cellphone, inilabas ng babae sa bulsa ang 3310 na naka-rubberband at may hati ang screen. Binili daw ‘yon ng lola niya sa kapit-bahay nilang adik sa halagang dalawandaang piso. Bakas sa mga mata niya ang lungkot na may  halong pagsisisi sa bawat kuwento niya. Naramdaman ko na lang na may tumutulong mga luha sa aking pisngi. 

Alas dose trenta’y singko.
May kakaibang tunog sa paghinga ng matanda, ang dibdib nito’y parang hirap na hirap sa pagtaas-baba, animo’y may mabigat na nakapatong dito. Maya-maya pa’y tumunog ang aparatong nakakabit sa matanda at naglapitan ang mga nurse. Nakatulala lang ako, pinagmamasdan ang animo’y kuha sa isang pelikula. Pero ito, totoo. Kasalukuyang nasasaksihan ng aking mga mata, at parte ako nito.

Alas dose trenta’y siyete.
Tuluyan nang bumigay ang matanda, idineklara ng doktor na wala na ito. Labis ang lungkot na naramdaman ko ng mga sandaling ‘yon. Kung ako ngang hindi kaano-ano nito ay lubos na naapektuhan pano na lang kaya ang apo nitong mag-isa na lamang ngayon sa kanyang pagkawala. Halos maubos na ang luha ng babaeng yinayakap ang katawang nakahimlay sa kama. “Gising na ‘la, magtitinda pa tayo diba. Sorry, sorry, sorry.” Iniwan ko muna sila, alam kong madami siyang kailangan sabihin sa matanda na hindi ko na dapat pang marinig. 

Lumabas ako na hindi pa din makapaniwala sa mga nangyari. Sa maikling oras na ‘yon, madaming mga naganap - at lahat ng ito, hindi ko pa din lubos na pinaniniwalaan. Nang mga sandaling ‘yon, maraming bagay ang umiikot sa isip ko. Ano man ang maaaring mangyari sa kung sino, walang nakakaalam. Ngayon oo, mamaya pwedeng hindi na. Nandiyan ngayon, maaaring paggising mo wala na pala. At dahil sa nangyaring ito, natutunan kong ‘wag hayaang dumating ang oras na magsisisi ka na hindi mo ginawa ang kaya mo naman palang gawin noon. Na sambitin ang nilalaman ng puso mo, kung kailan hindi na maririnig ng sinasabihan mo.

Maikli lang ang buhay, kaya habang may panahon ka pa...sabihan mo na siya, Mahal kita!

Alas dos kwarenta.
Wakas.


14 ang nakaappreciate:

  1. May 2 klase ng nagtitinda ang ayoko sanang makita - Una, yung matanda at pangalawa yung bata. Masakit sa dibdib kahit hindi naman kakilala.

    Minsan awkward sabihin ang salitang "Mahal Kita" lalo na sa magulang natin kaya madalas huli na ang lahat bago natin marealize na dapat pala nagsabi na tayo noon pa. nasa huli ang pagsisisi.....you'll never what you have till it's gone, kaya express your love lalo na sa ating mga magulang.

    ReplyDelete
  2. T_T ung lola ko dating nagmamanicure at naggugupit ng buhok. siya ung nagpalaki sa amin nung kapatid ko, tapos hindi ko siya nadalaw simula last year sa bahay nila T_T

    nakakaiyak naman ito.
    ang galing mo na magsulat kuya :(

    sana may part2 ---
    panaginip lang pala lahat

    ReplyDelete
  3. nakaka.iyak :(

    tama ka, maikli lang ang panahon para patagalin pa at kimkimin ang kung ano man nararamdaman. Kung mahal mo sila, sabihin mo na..

    wew.. :(

    ReplyDelete
  4. nakakaiyak naman to=(

    tinamaan ako

    ReplyDelete
  5. nabasag ang puso ko dito..

    T_T

    tama sobrang ikli lng ng buhay at dapat wala tayong sinasayang na s=kahit isang segundo para iparamdam sa mga mahal natin sa buhay kung gaano sial kahalagay at kung gaano natin sila kamahal :)

    ReplyDelete
  6. so true...kaya dapat treasure natin ang bawat oras na kapiling natin ang mga mahal natin sa buhay.

    ReplyDelete
  7. true. pero minsan, its hard to say i love you or mahal kita ng basta basta.

    ReplyDelete
  8. nakakalungkot naman to. may kirot sa puso kapag bata at matanda ang nakikita kong palaboy laboy sa kalsada. pero wala akong malaking maitulong sa kanila. haaay..

    hanggat may oras ka pa. lagi mo dapat ipaparamdam sa mga mahahalagang tao sa buhay mo kung gaano mo sila kamahal. kasi sa isang iglap pwedeng pwede ka ng mawala.

    ReplyDelete
  9. At ganun lang, napaiyak mo ko Bino. Grand moms have the biggest part in my life. They've gone through a lot in their lives and the way they love just makes me so softy.

    I kinda agree with you too. We need to say how we love the dearest people around us. We need to say that often. Before it's too late.

    ReplyDelete
  10. Life is short.. So we should live life. We should JUST be alive, we should be living. Hindi natin alam kung kelan kukunin ng Dyos ang hiram na buhay. Kung merong nagawang kasalanan, humingi agad ng tawad. Kung merong minamahal, sabihin na agad.. Love is meant to be shared.. hindi yun dapat tinatago. Bakit mo itatago ang pagmamahal...?

    Nakakalungkot.. huli na ang lahat para sa apo. Hindi na sya makakabawi sa Lola nya.

    ReplyDelete
  11. haays, maikling kwento pero naglalaman ng totoong buhay.. naluha naman ako dito.. alam ko ang pakiramdam ng magbantay sa ospital at maabutan ng sitwasyong ganyan.. hayst

    ReplyDelete

Sisikapin ko'ng replyan ang mga komento ninyo.
Kung may sasabihin ka'ng di maganda, huwag ka'ng mag-ANONYMOUS